-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nakatakda nang isampa sa susunod na linggo ang mga kasong paglabag sa anti-hazing law laban sa itinuturong responsable sa pagkamatay ni 4th Class Cadet Darwin Dormitorio sa Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City.

Sinasabing nasa 90 porsyento na raw ang ginagawang imbestigasyon ng Baguio City Police Office hinggil sa naturang usapin.

Ayon kay Baguio City Police Office director Col. Allen Rae Co, sapat na ang mga ebidensya na kanilang nakalap upang tuluyan ng sampahan ng kaso ang mga upperclassmen na umano’y kumitil sa buhay ng 20-anyos na kadete.

Ngunit sa kabila nito, inihayag ni Co na bukas pa rin naman sila sa posibilidad nang paglutang ng mga panibagong ebidensya na makakatulong sa pagpapalakas ng kaso.

Ipinangako rin ng naturang opisyal na makakamtan ng pamilyang Dormitorio ang hustisya.