CEBU CITY – Patuloy na iniimbestigahan ng Danao City police ang nangyaring pagbaril-patay sa isang Public Attorney’s Office (PAO) lawyer sa National Road, Brgy. Looc, Danao City, Cebu.
Una nang kinilala ang biktima na si Atty. Baby Maria Concepcion Landero-Ole, isang byuda at residente ng Camaligbato, Brgy. Taboc lungsod ng Danao.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Danao Police Station, nanggaling si Atty. Ole sa isang case hearing at pupunta sa bayan ng Lilo-an ngunit binaril ito pagdating sa Brgy. Looc ng hindi nakilalang suspek na nakamotorsiklo.
Kaagad na dinala sa pinakamalapit na hospital ang biktima ngunit idineklarang dead-on-arrival.
Napag-alaman na nagtamo ng tama sa ulo at leeg ang abogada na siya umanong ikinamatay nito.
Samantala sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Danao City Police station chief Maj. Ma. Theresa Macatangay, inihayag nito na kabilang sa mga nakuha nilang impormasyon at isa sa mga tinitingnan kung may kaugnayan ba sa motibo sa pagpaslang kay Atty. Ole ang naging second husband nito na isa umanong ex-convict na nagmula sa National Bilibid Prisons.
Sa impormasyon na nakuha ng mga otoridad, kinilala ang asawa ng abogada na si Juanito Flores-Ole na binaril-patay din noong Mayo 26 nitong kasalukuyang taon sa Brgy. Poblacion sa lungsod ng Danao.
Napag-alaman din na naharap noon sa kasong may kaugnayan sa illegal drugs si Mr. Ole.
Patuloy na inaalam ng Danao Police Station ang iba pang anggulo na magbibigay daan sa pagresolba sa krimen.
Ang kaso sa pagpatay sa abogada ay mag-iisang buwan na rinmatapos binaril-patay ang abogadong si Atty. Joey Luis Wee sa Brgy. Kasambagan, Cebu City.