CAUAYAN CITY – Umaasa ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) na sa pamamagitan ng pormal na pagkakatalaga ni PNP chief Lt. Gen. Archie Gamboa ay tuluyan ng mapagtutuunan ng pansin ang mga serye ng pagpatay sa mga miyembro ng hudikatura sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IBP president Atty. Domingo Egon Cayosa sinabi niya na sa pamamagitan ng pagkakatalaga sa bagong pinuno ng PNP ay mabibigyan na ng pansin ang memorandum of agreement na inihain ng IBP kaugnay sa kaso sa pagpaslang at karahasan sa mga huwes at iba pang miyembro ng hudikatura sa bansa.
Gayundin ang pagbuo ng hotline upang ma-monitor ang pag-usad ng bawat kaso at masiguro na matukoy at maparusahan ang mga utak sa pagpatay sa mga kasapi ng Hudikatura.
Aniya, ang pagsasakatuparan ng memorandum of agreement ay patunay na ang mga pulis, militar at abogado ay hindi magkaaway kundi magkatuwang sa pagsususlong ng kapayapaan sa pamamagitan ng hustisya.
Giit pa ni Atty. Cayosa, suportado ng buong IBP ang pagsusulong ng panibagong chief PNP ng mga hakbang upang tuluyan ng mawakasan ang kriminalidad, droga at sistema ng korapsiyon sa loob at labas ng hanay ng pulisya sa pamamagitan ng cleansing of the ranks o internal cleansing sa kanilang hanay.