-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Papalakasin pa umano ng pamilya Dormitorio ang mga kasong isasampa nila laban sa pitong kadete ng Philippine Military Academy (PMA) at dalawang doktor sa piskalya sa prosecutor’s office sa Baguio City.

Ito ay kahit kuntento ang pamilya sa pagsasaayos ng pulisya sa mga kasong isasampa laban sa panig naman ni Cadet 1CL Axl Rey Sanopao, na itinuturong nangmaltrato kay Cadet 4CL Darwin Dormitorio.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Dexter Dormitorio na mayroon silang pinapa-improve na bahagi ng kaso sa kanilang private lawyers upang hindi ito mabasura sakaling umabot na sa korte.

Inihayag ni Dormitorio na wala na raw silang mahihiling pa sa pagsisikap ni Baguio City Police Office Director, P/Col. Allen Rae Co dahil nakikita nila kung paano tinatrabaho ang pagbuo ng mga kaso upang mabigyan ng hustisya ang kanyang kapatid.

Inamin ng pamilya na hanggang ngayon ay hindi pa nagsi-sink-in sa kanilang isipan na wala na sa kanilang piling ang bunso nilang si Darwin.