GENERAL SANTOS CITY – Ibinasura ng Office of the City Prosecutor ang kinakaharap na kaso ng station Manager ng Bombo Radyo GenSan at dalawang kasamahan nito.
Ayon kay Assistant City Prosecutor Jerome Clarin Beatisola, walang basehan ang mga kaso laban kina Mr. Jonathan Macailing, Beinvenido Penafiel, at Jomar Oliverio.
Kabilang dito ang mga kasong obstruction of justice, direct assault upon agents of person in authority at robbery, na isinampa nina PO2 Jeffrey Balunto at PO1 Renan Mendoza na miyembro ng City Mobile Force Company ng General Santos City Police Office.
Sinabi ng prosecutor na hindi nagsilbi ng warrant of arrest ang dalawang pulis laban kay Macailing dahil sadyang wala silang dala, habang wala ring basehan ang robbery at obstruction of justice.
Napag-alaman na noong January 18, 2019, sinundan ng motorsiklo ang sasakyan ni Bombo Janjan na pinaniniwalaang mga riding-in-tandem.
Subalit kanila itong nadis-armahan kung saan huli na nang nagpakilala ang mga nakasibilyan at may sling bag na may laman na P50,000 na sila ay mga police officers at magsisilbi sana ng warrant of arrest.
Dinala nina Macailing ang dalawang pulis sa City Mayors’ Office para i-surrender kay Mayor Ronnel Rivera.
Dumating agad ang napakaraming puwersa ng Sarangani at GenSan-Philippine National Police at doon pa isinilbi ang arrest warrant.
Ito ay may kinalaman sa hindi pagdalo ni Macailing sa hearing sa una nitong kaso.
Nagpapasalamat si Macailing sa management ng Bombo Radyo sa pagsuporta sa mga kinakaharap na kontrobersiya partikular ang malaking investment scam na KAPA na mayroon ng Cease and Desist Order.