Lalo pang lumawak ang ginagawang pangangalap ng impormasyon ng Philippine National Police (PNP) para sa case buildup laban sa mga nasa likod ng kidnap for ransom sa mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sinabi sa Bombo Radyo ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief M/Gen. Guillermo Eleazar na unti-unti na nilang nakukuha ang mga kinakailangan ebidensya sa kaso upang mapalakas pa ito.
Kabilang na rito ang pagkakadawit din ng grupo sa canapping, pananambang at sari-sari pang krimen sa Northern Luzon at iba pang parte ng bansa.
Aminado si Eleazar na nagpalala sa pamamayagpag ng grupo ang hindi agad pagsusumbong ng ilang biktima sa mga nakaraang kidnapping incident.
“Naniniwala kaming dahil sa development na ito, marami pang biktima ang maglalakas ng loob na lumitaw para lumakas pa ang kaso laban sa naturang grupo,” wika ni Eleazar.
Nabatid na ilan sa mga sangkot sa pagdukot ay mga dating pulis na iniuugnay sa isyu ng iligal na droga o binansagang “ninja cops.”