Nakatakda nang desisyunan ang kasong administratibo laban sa isang Philippine ambassador na nangmaltrato umano sa kanyang kasambahay na isa ring Pinay.
Kung maaalala, umani ng batikos si Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro dahil sa naturang iskandalo, na dahilan din kaya ito pinauwi sa bansa.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., isusumite na ng hearing panel ang kanilang formal investigation report at rekomendasyon sa Board of Foreign Service Administration sang-ayon sa Republic Act 7517, o ang Foreign Service Act.
Ipadadala naman daw sa Malacañang ang magiging desisyon bago matapos ang taon.
Noong Nobyembre nang gumawa ng ingay si Mauro matapos iulat ng media outlets sa Brazil ang umano’y pagmamalupit nito sa kanyang 51-anyos na kasambahay, na nakuhanan pa ng video.
Nangako naman si Locsin na sasampahan nila ng kaso si Mauro sa oras na mapatunayan na ito ay nagkasala.