Tuloy ang planong pagsasampa ng kaso ng kampo ng whistleblowers sa mga opisyal ng PhilHealth.
Ito ang sinabi sa Bombo Radyo ng abogado ng mga testigo na si Atty. Harry Roque, kasunod ng kontrobersyal na “ghost dialysis” issue, kung saan ilan sa mga binayaran ng claims ay mga patay na, habang may ibang may minor cases ngunit ang claims ay para sa major procedures.
Pero inamin ni Roque na nagiging maingat sila sa paghahanay ng ebidensya para matiyak na may mga maipapakulong.
Hindi na rin umano kailangan ang panibagong imbestigasyon ng Kamara at Senado sa usaping ito dahil kailangan na itong iakyat sa korte, dahil noon pa nila ito siniyasat habang si Roque ay miyembro ng Kongreso.
Samantala, iginiit naman ng PhilHealth na inaaksyunan nila ang isyu, katunayan ay itinigil na ang deal sa mga clinic na natukoy na lumalabag sa mga patakaran ng kanilang tanggapan.