Hinamon ng kampo ng mga whistleblower ang Philhealth na patunayan ang umano’y hakbang na ginawa nito para panagutin ang mga opisyal ng WellMed Dialysis Center na isinasangkot sa issue ng “ghost dialysis treatment.”
Ayon sa abogado ng mga whistleblower na si Atty. Harry Roque hindi nagtutugma ang pahayag na binitiwan ng Philhealth sa listahan ng mga inidibdwal na kanila umanong kinasuhan noon kaugnay ng issue.
Katunayan mismong mga whistleblower pa raw na naglantad sa imbestigasyon ng Kongreso noon ang inireklamo ng ahensya.
Nitong Huwebes nang aminin ni Philhealth acting president Roy Ferrer na kinasuhan na nila noong 2018 ang ilang empleyado at apat na doktor ng WellMed matapos mabatid ang iligal na gawain ng dialysis center.
Iginiit din ng opisyal na nitong Pebrero pa huminto ang Philhealth sa pagbabayad ng dialysis claims sa naturang kompanya.
Bukod dito nasa 2,000 ospital at centers na rin daw ang kanilang iniimbestigahan dahil sa mga akusasyon ng pekeng claims.
“The corporation filed 28 counts of administrative cases for claims for non-admitted treated patients, misrepresentations by furnishing false or incorrect information, and breach of warranties of accreditation or performance commitment against the mentioned dialysis center,” ani Ferrer.
“(Former secretary) Roque, we met several times and I respect you. Mali po ‘yong sinasabi n’yong wala kaming ginawa,” ayon naman kay PhilHealth board member Roberto Salvador Jr.
Aminado si Roque na hindi ito ang unang beses na inireklamo ang Philhealth dahil sa ghost treatments.
Makikita rin daw kasi ito sa report ng Commission on Audit (COA) kung saan inakusahan ang ahensya ng maanomalyang paggamit sa bilyon-bilyong pisong pondo na natanggap nito mula sa kanilang mga miyembro.
“Napakaraming ganito po at hindi lang po ito dialysis. Nandiyan pa rin ang katarata, pneumonia, kahit ano’ng package mayroon ang PhilHealth, mayroong anomalya,” ani Roque.
“I’m accusing Ferrer of sheer and gross incompetence. Mayroon na pong COA report na nagsabing bilyon-bilyon na ang nawala sa PhilHealth dahil sa kawalan ng institutional mechanisms para bantayan ang pondo ng taumbayan, hanggang ngayon po walang repormang ginagawa.”
Samantala sa isang statement sinabi ng mga abogado ng WellMed na hindi totoo ang paratang na ipinupukol sa kanila ng mga whistleblowers na dati nilang empleyado.
Handa raw makipagtulungan sa imbestigasyon ang kompanya pero sasampahan pa rin daw nila ng kasong kriminal ang mga lumantad na whistleblower.
“WellMed vehemently denis the accusations of its former employeees, Edwin Roberto and Liezel Santos; (we) did not and would not, in any way, consent to, or participate in any “ghost dialysis” or fraudulent scheme as described by Mr. Roberto.”