Ipinagharap ng kasong katiwalian at paglabag sa Philippine Mining Act sa Ombudsman ang alkalde ng Lian, Batangas kaugnay sa umano’y pakikipagsabwatan sa ilang malalaking korporasyon upang masalaula ang kanilang kalikasan.
Sa pitong pahinang reklamo, nais ng complainant na si Dennis Ilagan na patawan ng preventive suspension at masampahan ng kasong kriminal si Mayor Isagani Bolompo kasama si Exequiel Robles, pangulo ng Sta. Lucia Land Incorporated.
Bukod sa kasong graft at paglabag sa Philippine Mining Act, ipinagharap din ang alkalde ng kasong paglabag sa Code of Conduct of Government Employees.
May kinalaman ito sa pagbibigay ni Bolompo ng developmental permit ang korporasyon sa proyekto nito sa bayan ng Lian kahit walang environmental clearance certificate mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), gayundin ng mga certification mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) at Housing and Land Use and Regulatory Board (HLURB).
Sa katunayan, nagpalabas ang DENR ng cease and desist order laban sa ano mang development sa Lian na magdudulot ng pagkasira ng bundok at polusyon sa karagatan.
Sa kabila ng kautusan ng DENR, nagpatuloy naman ang operasyon ng illegal mining o quarrying sa 84 hectares ng lupain sa Barangay Matabungkay.
Nahaharap din anya si Bolompo sa kasong malversation of public funds dahil pangongolekta ng environmental users fee.
“Parang toll fee dahil ang sinumang papasok sa Matabungkay kahit hindi naman pupunta sa beach at may bibilhin lamang sa tindahan ay hihingan agad ngP25 para raw sa environmental fee,” saad ni Ilagan.
Ayon kay Ilagan, kwestiyonable ang mga public hearings at mga meeting na isinagawa para makapagpalabas ng esolusyon sa paniningil ng P25 na sinasabing para sa environmental fee.
Bukod dito, hindi rin maipaliwanag ng lokal na pamahalaan kung saan napupunta ang kanilang koleksiyon gayung walang mga programang pang-kalikasan na inilulunsad sa kanilang lugar.