Nakatakdang resolbahin na ng Department of Justice (DOJ) ang non-bailable na kasong human trafficking in person na inihain ng PNP at PAOCC laban kay suspended Bamban Mayor Alice Guo.
Ang desisyon ng DOJ ay matapos muling mabigo si Guo na dumalo sa preliminary investigation sa Justice department kahapon, Agosto 6 at bigong magsumite ng kaniyang counter-affidavit para pabulaanan ang mga kaso laban sa kaniya. Hindi din nagpakita si Guo sa mga nakalipas na pagdinig na nagsimula noong Hulyo 5.
Sa pagdinig nitong Martes, sinabi ni DOJ Assistant Secretary at Spokesperson Mico Clavano na karamihan sa mga respondent sa kaso ay nakapagsumite ng kani-kanilang mga counter-affidavit na pinabubulaanan ang mga paratang laban sa kanila kaugnay sa mga iligal na aktibidad ng Zun Yuan Technology Center, isang pasilidad ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na sinalakay ng mga aawtoridad noong Marso 13 sa bayan ng Bamban na umano’y sangkot sa human trafficking at iba pang krimen.
Subalit pagbubunyag niya na hindi nakapaghain si Mayor Guo at Chinese incorporators kayat napagpasyahan aniya ng panel of prosecutors na huwag na silang bigyan ng isa pang pagkakataon.
Samantala, sinabi ni ASec. Clavano na pinayagan ng panel na magsumite ng kani-kanilang counter-affidavit sa Agosto 16 ang tatlong akusado kabilang si dating Technology Resource Center (TRC) director general Dennis Cunanan.
Ang mga nabigong magsumite ng kanilang mga counter-affidavit ay nawalan na ng karapatang sagutin ang mga paratang laban sa kanila. Ibig sabihin ang mga prosecutors na ang magreresolba ng kaso nang base sa reklamo.