BAGUIO CITY – Madaragdagan pa umano ang mga kasong kakaharapin ng mga kadete ng Philippine Military Academy (PMA) mula sa mga plebo na kanilang minaltrato bukod kay Cadel 4CL Darwin Dormitorio.
Ayon kay Col. Allen Rae Co, direktor ng BCPO, isa sa mga roommate ni Dormitorio na namaltrato rin ang magsisilbing witness at tatayong isa sa mga complainants laban sa ilan sa mga suspek.
Sa ngayon pinangalanan na ni Cordillera PNP director B/Gen. Israel Ephraim Dickson ang pitong mga suspek na mga kadete na sina Cadet 1CL Axl Rey Sanupao; Cadet 3CL Shalimar Imperial; Cadet 3CL Felix Lumbag Jr.; Cadet 3CL Tadena; Cadet 3CL Volante; Cadet 2CL Zacarias at Cadet 3CL Manalo.
Ayon kay Co, under isolation ngayon ang mga suspek sa stockade ng PMA dahil sa pagmaltrato ng mga ito kay Dormitorio.
Sinabi niya na kasong paglabag sa Anti-Hazing Law and/or murder ang isasampang kaso laban sa mga suspek na kadete ngunit depende pa raw sa piskalya kung ano ang kaso sa bawat suspek dahil puwedeng ilan ang mahaharap sa parehong kaso o kaya naman ay murder lang o paglabag lamang sa naturang batas.
Pinag-aaralan din nila ang paglabag sa batas sa Anti-Torture Act dahil may “ambiguity” kung saan bahagi nito ang mga kadete na sakop naman ng Armed Forces of the Philippines.
Iniralawan din ni Co na mistulang unti-unti umanong kinikitlan ng buhay si Dormitorio ng kanyang mga upperclassmen.
Una nang sinabi ng pulisya na mahaharap din sa kasong criminal negligence ang dalawang medical personnel ng PMA Station Hospital dahil sa maling diagnosis at findings nang dinala sa PMA Station Hospital si Dormitorio noong Setyembre 17.
Magsisilbi rin aniyang witnesses sa kaso ang 14 na mga kadete, dalawang staff, isang Tactical Officer at isang non-commission officer ng PMA.
Idinagdag ni Co na 100% nang nakahanda ang kasong isasampa laban sa mga suspek at hinihintay na lamang ang pagdating ng pamilya Dormitorio sa Baguio City.