Kinumpirma ni OMBUDSMAN Samuel Martires na may kasong kriminal na isinampa sa Sandiganbayan laban kina dating Health Secretary Francisco Duque III at Lloyd Christopher Lao na dating executive director ng Procurement Service ng Department of Budget and Management.
Ang kasong paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act ay may kaugnayan sa paglilipat ng P41.464 bilyon na pondo ng DOH sa PS-DBM sa pagitan ng buwan ng Marso at Disyembre 2020.
Ayon sa prosecutors, ang paglilipat ng pondo ay nagdulot ng pinsala sa gobyerno dahil sa 4 percent service fees na sinisingil ng PS-DBM.
Ito ay nagkakahalaga ng P1.659 billion bagamat hindi nagkaroon ng imbentaryo ng mga supplies and equipment na pangunahing requirement.
Nilinaw naman ng Sandiganbayan na ang kasong graft ay isang bailable offense .
Inrekomenda ng anti-graft body ang P90,000 na pyansa sa bawat akusado.