-- Advertisements --

Matapos ang halos isang taon, nakitaan na ng “probable cause” ng Quezon City Prosecutor’s Office para ituloy ang kaso ni 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray laban sa editor at writer ng isang tabloid.

May kaugnayan ito sa umano’y mapanirang artikulo ng Bulgar tabloid laban sa pang-apat na Pinay Miss Universe, idagdag pa ang hubad na larawan nito na peke lang pala.

Hulyo noong nakaraang taon nang lumabas sa Facebook page ng nasabing tabloid na
kalat na ang mga nude photos ni Cat matapos daw ang mga kontrobersyal na pasabog ng Fil-German model at ex-boyfriend niya na si Clint Bondad.

Naka-attach naman sa affidavit ng beauty queen pagsapit ng Setyembre ang litrato ng isang Russian model na kamukha niya, habang ang isa pang litrato ay nasa bath tub siya na kuha raw sa isang Valentine’s Day advertisement.

Sa resolusyong pirmado ni Assistant City Prosecutor Jerome Christopher Feria, tuloy ang kasong libel sa editor na si Janice Navida at contributing writer na si Melba Llanera.

Maaari namang magpiyansa ang mga ito ng P30,000 bawat isa para sa kasong libel, at dagdag na P48,000 kay Navida para sa kasong cyberlibel.

Sa panig ng tabloid, una na nilang iginiit na wala umano silang masamang intensyon at nais pa ngang tulungan ang 27-year-old half Australian beauty mula Bicol.

“I hope too that you may see our intention to help you in clearing your name to the whole universe that the nude photo circulating online is fake and edited only, that’s why when we learned about your clarification on the matter, we quickly posted your camp’s statement on our Facebook page and website to enlighten everybody about that controversial photo,” saad ni Navida.

Hindi naman humingi ng paumanhin ang mga ito sa kabila ng pag-demand ni Gray ng public apology.