Inirekominda ng isang Quezon City prosecutor ang paghahain ng kasong libel laban kay dating Speaker Pantaleon Alvarez hinggil sa umano’y “defamatory” o mapanirang mga pahayag nito laban sa kanyang dating kaibigan na si Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo Jr.
Nag-ugat ang reklamo sa mga pahayag ni Alvarez noon pang Mayo 2008 nang nilinaw niya ang kanyang mga pag-aari sa Siargao Island na sinasabing nagkakahalaga ng P500 million.
Inamin ni Alvarez na mayroon siyang mga pag-aari sa isla, pero itinanggi naman ang halaga nito.
“Hindi Floirendo ang apelido ko para maging landgrabber. At kung pipilitin din nila na tanggapin ko na akin ‘yun, bilhin nila doon sa may-ari yun at ibigay nila sa akin,” ani Alvarez.
“Ngayon, kung sa tingin nila I violated a law, yung [anti-graft and] corruption, then mag-file sila ng kaso at gusto ko siya mismo yung magiging complainant…. Dapat siya mismo ang mag-file ng kaso sa akin because I am willing to face it,” dagdag pa nito.
Sa kanyang reklamo, iginii ni Floirendo na angpag-aakusa sa kanya ni Alvarez bilang landgrabber ay nagdudungis sa kanyang reputasyon.
Pero sa isang counter-affidavit, sinabi ni Alvarez na ang reklamo sa kanya na libel ay dapat na maibasura dahil hindi naman daw siya ang nagsulat o nag-publish ng sinasabing mapanirang mga pahayag.