Nagsampa na rin ng kasong libelo ang dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre laban sa kolumnistang si Ramon Tulfo dahil umano sa malisyoso at nakakasirang columns na inilabas niya sa The Manila Times at Facebook posts noong April.
Bukod kay Tulfo, na kinasuhan ng four counts ng libel at nine counts ng cyberlibel, kinasuhan din ng four counts ng libel at four counts ng cyberlibel sa Manila Prosecutor’s Office ang presidente at CEO ng Manila Times na si Dante Ang, chief operating officer Blanca Mercado, publisher-editor Nerilyn Tenorio, news editor Leena Chu at national editor na si Lynette Luna.
Dalawa pang informants umano ni Tulfo na pinangalanan lamang na John at Peter Doe ay kasama rin sa kaso.
Si Aguirre ay humihingi ng P150 million na moral damages, at mahigit P50 million sa exemplary fees at attorney’s fees mula sa mga kinasuhan.
Ang kaso ay bunsod ng mga sumusunod na columns na lumabas sa print at online version na manilatimes.net: “Living the life of the rich and famous” lumabas noong April 11, kung saan binansagan si Aguirre bilang protektor ng human trafficking syndicate sa Ninoy Aquino International Airport at umano nag-issue ng circular na inalisan ng power si Immigration Commissioner Jaime Morente para mag-assign at reassign ng mga bureau personnel.
Ang pangalawang column ay: “The ball is now in Secretary Guevarra’s Hands” na inilabas noong April 13, kung saan sinabi rito na si Aguirre umano ay tumanggap ng pera mula sa nasabing sindikato kahit na nag-resign na siya bilang Justice Secretary.
Ang pangatlo ay: “Bato, a clown in the staid Senate” na lumabas noong July 11, kung saan sinabi na si Aguirre umano ay protektor ng sindikato.
Ang pang-apat naman ay: “Why Digong scrapped all PCSO franchises” na inilabas noong July 30, kung saan sinabi na ang small-town lotteries ay lumobo sa kasalukuyang administrasyon upang ma-accommodate ang ilang tao kasama na si Aguirre.
Sinabi rin ni Aguirre na ang mga isinulat ni Tulfo ay pawang “defamatory” Facebook posts kung saan inulit ang mga nakakasirang alegasyon noong April 9, April 13 at June 8.
“Perusal of the articles and the online posts would readily show that respondent Tulfo defamed and discredited my honor and integrity by imputing that I was corrupt when I was still Justice Secretary, a protector of a syndicate, a land grabber, a criminal and involved in illegal activities during and after my stint as Justice Secretary,” wika ni Aguirre sa kanyang isinampang kaso at sinabing malisyoso ang mga istorya na ito at “reckless disregard as to whether the allegations are true or not.”
Dagdag pa ni Aguirre na ang mga pinagsususulat ni Tulfo ay “defamatory” articles na naging bunsod ng kasong isinampa sa Branch 46 ng Manila Regional Trial Court bago pa man lumabas ang iba pang mga kasunod na column. Sinabi pa niya na intensyon talaga ni Tulfo na i-publicly assassinate siya pati ang kanyang reputasyon, asarin siya at wasakin ang kanyan imahe.
Ngunit bakit ito ginagawa ni Tulfo, ang paliwanag ni Aguirre ay dahil umano sa itinatagong galit ng kolumnista sa kanya dahil noong kalihim pa siya ng DOJ ay tinanggihan niya ang request ni Tulfo na i-consolidate ang lahat ng libel cases na pending sa mahigit 70 prosecutors offices sa buong bansa.
Ayon pa kay Aguirre, sinabihan niya si Tulfo na hindi ito saklaw o gawain ng isang justice secretary, kundi sakop ito sa kapangyarihan ng prosecutors offices.
“As a direct result of the malicious, libelous and defamatory imputations of respondent Tulfo against me, I suffered sleepless nights, mental anguish, anxiety, besmirched reputation, wounded feelings, moral shock, and feelings of similar nature,” wika pa ni Aguirre.
“For such reason all respondents should be held jointly and severally liable..,” dagdag pa niya.