Inaasahang isasampa na sa mga susunod na araw ang 2 bilang ng kasong murder laban sa 2 dating pulis na nasibak sa serbisyo at iba pang mga suspek sa pagpatay sa Pampanga beauty queen na si Geneva Lopez at kaniyang Israeli fiance na si Yitshak Cohen.
Kabilang sa mga kakasuhang dating pulis na sangkot sa krimen ay natukoy na sina Michael Guiang na umano’y mastermind sa pagpatay na ang motibo ay nag-ugat umano sa away sa lupa at si Rommel Abuso.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil, ang 2 sangkot na dating pulis ay may dating ranggong patrolman.
Batay naman kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) director Maj. Gen. Leo Francisco, lumalabas sa imbestigasyon na isinangla ni Guiang ang isang kapirasong lupa kay Lopez subalit tumangging ibalik ito. Nakahiram kasi ng pera si Guiang kay Lopez subalit hindi nito mabayaran kayat nais sana noon ni Lopez na kunin ang parte ng lupang isinanla sa kanya ni Guiang. Habang si Abuso, na nagpanggap na bibili ng lupa ang siyang magbabayad sana umano kay Lopez ng perang inutang ni Guiang.
Nagmitsa naman sa kamatayan ng 2 biktima nang makipagkita ang mga ito kina Guiang sa Capas, Tarlac kung saan dito na sila binaril-patay ng mga suspek.
Ayon kay Gen. Francisco, planado ang pagpatay sa mga biktima.
Sa ngayon, kinakalap na ng mga awtoridad ang karagdagang ebidensiya at mga salaysay na susuporta sa mga kasong murder laban kina Guiang, Abuso at iba pang hindi natukoy sa suspek.