-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Sinampahan na ng kasong murder ang padre de pamilya na brutal na pumatay at pumugot sa ulo ng kanyang maybahay sa bayan ng Lake Sebu, South Cotabato.

Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Koronadal ni Police Lt. Col. Joven Bagaygay, hepe ng Lake Sebu PNP. Ayon kay Bagaygay, sa halip na parricide ay kasong murder ang isinampa kay Julie Kabansil Kuyan alyas “Li”, 44 anyos na residente ng Sitio Kabalig, Barangay Klubi sa nabanggit na bayan matapos matuklasan na hindi sila legal na kasal ng biktimang si Marina.

Ayon pa sang opisyal inamin mismo ng suspek na sobrang selos ang dahilan kung bakit pinatay nito ang kaniyang maybahay.

Kung matatandaan habang kumakain ng tanghalian ang biktima at ang kamag-anak nitong si Barangay Kagawad Chita Falan Sulan ay biglang dumating ang supek at tinawag ang biktima.

Nang lumapit ang biktima ay walang habas na inundayan ng saksak sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan at hindi pa nakuntento pinugutan niya pa ng ulo.

Agad na tumakas ang suspek matapos gawin ang krimen ngunit hindi rin ito nakalayo dahil makalipas ang mahigit isang oras ay sumuko ito sa rumespondeng mga pulis kasama ang mga barangay officials at maging ang Special Forces 10th Company 5th Batallion.

Dagdag pa ng opisyal nagawa rin umano ng suspek ang krimen dahil sa may dinaranas itong sakit sa pag-iisip na hindi na naipagamot dahil sa kahirapan sa buhay.

Napag-alaman na pangalawang asawa na nang suspek ang biktima dahil una na ring namatay ang unang asawa nito na kapatid lamang ng biktima.

Nailibing na rin ang biktima habang nasa pangangalaga ng kanilang kamag-anak ang 7 naulilang anak ng mga ito.