-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Ibinasura ng Provincial Prosecutor’s Office ng Sarangani ang kasong online libel na isinampa laban sa Station Manager ng Bombo Radyo Gensan na si Bombo Janjan Macailing.

Batay sa reklamo, ginamit na ebidensya ni ni Rojardo Tapdasan, residente ng Poblacion Alabel, Sarangani ang mga video na kuha sa Facebook page ng Bombo Radyo Gensan at naging paksa ang Kabus Padatuon (KAPA) Community Ministry International Incorporated noong Nobyembre 2018.

Bilang miyembro umano ng KAPA, nasaktan umano ang nagreklamo sa mga komentaryo ni Bombo Janjan sa Bombohanay Bigtime laban kay Joel Apolinario na siyang founder sa nasabing grupo.

Base sa counter affidavit ni Bombo Janjan, hindi maaring kasuhan dahil tinalakay lamang ang aktibidad ng KAPA sang-ayon na rin sa advisory na inilabas ng Securities and Exchange Commission para pahintuin ang paglagay ng investment sa naturang investment group.

Dagdag pa nito na hindi naman direktang tinumbok ang pangalan ni Tapdasan.

Dahil dito, ibinasura ni Sarangani Provincial Chief Prosecutor Elmer Lastimosa ang reklamo dahil sa kakulangan ng probable cause.