-- Advertisements --

Sinampahan na ng tig dalawang bilang ng kasong pagpatay ang apat na suspect na sinasabing sangkot sa pagpatay kay Bulacan board member Ramilito Capistrano  at sa driver nito na si Shedrick Toribio.

Ito ay kinumpirma mismo ng pamunuan ng Police Regional Office 3.

Kinilala ang mga suspect na sina Police Staff Sergeant Ulysses Hernani Castro Pascual, pinsan nito na si Cesar Mayoralgo Gallardo Jr. at ang umano’y mga kasabwat na sina alyas Jeff at Lupin.

Ayon sa  Police Regional Office 3,ang kaso ay inihain sa Prosecutor’s Office sa lungsod ng Malolos, Bulacan.

Maliban dito ay nahaharap rin ang mga ito sa kasong attempted murder matapos na makatakas ang dalawa pang biktima sa pamamaril.

Una nang ipinag-utos ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon at inanunsyo ang kalahating milyong pabuya sa sinumang makapag tuturo sa lokasyon ng mga suspects.

Ayon naman kay PRO3 chief Police Brigadier General Redrico Maranan , ang pagkakahuli sa mga suspect ay dahil na rin sa binuong Special Investigation Task Group Capistrano.