GENERAL SANTOS CITY – Umabot sa 15 counts na kasong large scale estafa o syndicated estafa ang inihain na sa City Prosecutor’s Office at hinihintay na lamang ang resolusyon nito na may kinalaman sa Police Paluwagan Movement (PPM).
Ito ang sinabi ng spokesperson ng Police Regional Office (PRO)-12 na si P/Col. Aldrin Gonzales.
Ayon kay Gonzales, tatlong police officers sa GenSan ang kasamang kinasuhan syndicated estafa, at mga sibilyan kabilang ang umano’y utak na si Shiela Agustin.
Kapag napalabas na umano ang resolusyon ng kaso at mapatunayang may probable cause, posibleng mailalabas na rin ang warrant of arrest.
Ang mga opisyal umano na may kaugnayan sa PPM ay nasa Kampo Krame at sa punong himpilan ng PRO-12.
Patuloy naman na nanawagan si Gonzales sa mga nabiktima ng PPM na mag-file na ng kaso sa National Bureau of Investigation (NBI) para mapanagot ang mga may sala.
Napag-alamang halos umabot ng P2-bilyon ang PPM scam kung saan halos lahat ng mga pulis sa Region 12 at maraming sibilyan ang mga biktima nito.