Inihahanda na ang kaso para sa tax evasion laban kay suspended Bamban Mayor Alice Guo, ayon sa isang opisyal mula sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Sinabi ni PAOCC Spokesperson Winston Casio na may mga nakita silang mga paglabag ng alkalde sa kaugnay sa pag-iwas sa pagbabayad mg buwis.
Sa ngayon, hindi pa nila matukoy ang halagang sangkot, ngunit naniniwala ang opisyal na malaki-laki ang hindi nabayarang buwis na kita naman umano sa lifestyle ni Mayor Guo.
Aniya, ang isa pang kasong tinitignan laban kay Guo ay may kaugnayan sa isang paglabag sa Securities and Regulations Code.
Una rito, si Mayor Guo ay isinasailalim sa imbestigasyon matapos makaladkad ang kaniyang pangalan sa iaang POGO hub na ni-raid sa kaniyang bayan.
Ito ay nang matuklasan na ang metro ng kuryente ng POGO firm na Zun Yuan Technology Inc. ay nasa ilalim ng pangalan ni Guo, at natuklasan din ng mga awtoridad ang isang sasakyan sa loob ng pasilidad na nakarehistro sa ilalim din ng pangalan ng alkalde.