-- Advertisements --

DAVAO CITY – Mayroon nang impormasyon ang kasundalohan sa kinaroroonan ngayon ng dalawang missing na mga sundalong sangkot sa pagpatay kay Yvonne Chua Plaza.

Ngunit, sinabi ni 10th Infantry Division Commander Major General Jose Eriel Niembra na hindi pa sila makapagbibigay ng dagdag na impormasyon tungkol dito upang hindi maapektohan ang nagpapatuloy nilang operasyon.

Habang, kinumpirma naman ni Niembra na sa kasalukuyan, nasa kustodiya parin ng 10th ID ang tatlo pang sundalo na sangkot sa kaso ni Plaza na sila Staff Sergeant Gilbert Plaza, Sergeant Delfin Sialsa Jr. at Corporal Adrian Cachero.

Aminado si Niembra na naapektuhan ang kanilang hanay sa pagkakasangkot sa kasundalohan partikular na ni General Jesus Durante III sa nasabing krimen.

Nagpaalala rin ang nasabing opisyal sa mga kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na iwasang masangkot sa ganitong krimen dahil hindi lamang ito magbibigay ng problema sa kanilang sarili ngunit damay rin ang buong organisasyon.