-- Advertisements --

Nagbunsod umano sa kasunduan sa pagitan ng Taliban at ng dating Trump administration ang mala-blitzkrieg na pagsakop ng militanteng grupo sa Afghanistan.

Ito ang nagkaisang testimoniya ng US defense officials sa ginanap na pagdinig ng House of Representatives Armed Services Committee kaugnay sa withdrawal ng tropang militar ng Amerika sa naturang bansa.

Sa testimoniya ni Secretary of Defense Lloyd Austin, sinabi nito na sa ilalim ng naturang kasunduan na tinawag na “Doha agreement” nagkasundo ang dalawang panig na wakasan na ang airstrikes laban sa Taliban dahil dito ay lalo aniyang naging malakas ang militanteng grupo, mas lumakas pa ang kanilang opensiba laban sa Afghan security forces at maraming mga namamatay kada linggo.

Ayon naman kay head of US Central Command Gen. Frank McKenzie na may malaking epekto sa Afghan government ang Doha agreement kung saan nakapaloob aniya ang nakatakdang petsa ng pagtatapos ng natatanggap na assistance mula sa US.

Samantala, tiniyak naman ni Taliban spokesman Zabihullah Mujahid na nananatiling committed ang Islamic Emirate of Afghanistan sa nilagdaang kasunduan kasama ang Amerika at ginarantiya sa buong mundo na walang banta laban sa anumang mga bansa kabilang na ang Amerika.