BAGUIO CITY – Itatatag ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang “Katarungan Desk” sa lalawigan ng Benguet kung saan pwedeng isampa ng publiko ang reklamo nila bilang hakbang para mapigilan ang katiwalian sa pamahalaan.
Iprinisenta ito ni PACC Commissioner Greco Belgica kay Benguet Governor Melchor Diclas at sa mga alkalde ng 13 mga bayan ng lalawigan.
Aniya, naghahanap sila ng mga partners para sa anti-corruption campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng mga lokal na pamahalaan.
Dinagdag niya na ang lalawigan ng Benguet ang kauna-unahang magtatatag ng “Katarungan Desk” sa buong rehiyon ng Cordillera.
Giniit ni Belgica na mula sa national level ay kailangang madala ang kampanta kontra korapsiyon sa mga lokal na pamahalaan at mga line agencies sa pamamagitan ng “Katarungan Desk”.
Magsisilbi aniyang one-stop-shop grievance agency ang “Katarungan Desk” kung saan pwedeng ireklamo ng publiko ang mga abusadong incumbent government officials.
Ilalagay aniya ang nasabing desk sa lahat ng mga barangay, provincial, city at municipal halls at iba pang mga public areas.
Ayon sa kanya, nakakatanggap sila ng mga report ukol sa corrupt practices ng ilang opisina sa Cordillera Region.
Ipinasigurado pa ni Belgica na ang reklamo o report ay tatratuhin nilang confidential at dadaan sa verification at imbestigasyon bago maisumiti sa Office of the President para sa kaukulang aksiyon.