-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang katawan ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa isang abandonadong building sa Conception Grande, Naga City.

Kinilala ang biktima na isa umanong palaboy, katamtaman ang pangangatawan, 5’4 ang taas, nakasuot ng itim na short pants at t-shirt.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Dominic Borigas, Naga City Police Office (NCPO) Station 1 Commander, sinabi nito na dakong alas-4:15 ng pagkahapon ng Enero 19, 2022 nang matagpuan ng isang Shiela Dacillo, 22-anyos, residente ng nasabing lugar ang nakahandusay at wala ng buhay na katawan ng biktima sa lumang gusali ng Ago sa nasabing lugar.

Kung saan, agad naman umano nitong ipinagbigay-alam sa barangay ang nasabing insidente at agad naman itong inireport sa mga awtoridad.

Ayon pa kay Borigas, agad naman na rumesponde ang mga awtoridad sa lugar at nagsagawa ng imbestigasyon at pinaniniwalaang wala namang nangyaring foul play sa nasabing insidente.

Samantala, una na dito, nakikita na umano ang biktima na palaboy-laboy sa nasabing lugar.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad gayundin ang pagtukoy sa posibleng pagkakakilanlan ng nasabing biktima.