NAGA CITY-Patay na nang matagpuan ang bangkay ng isang indibidwal sa Lupi, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Senior Fire Officer 3 Jimbo Naron, Emergency Medical Service Chief ng BFP-Lupi, sinabi nito na ang biktima ay isang 60-anyos na residente ng Banga Caves Ragay, Camarines Sur.
Ayon sa opisyal, nakatanggap ng tawag ang kanilang opisina mula sa isang barangay kagawad na nagbigay ng impormasyon tungkol sa insidente na agad nilang nirespondehan.
Kasunod nito, agad na nagsagawa ng Retrieval Operation ang BFP-Lupi kasama ang PNP-Lupi at MDRRMO Lupi sa Tanawan River, Tanawan, sa nasabing bayan. Dito aniya nakita ng mga rumesponde ang biktima na nakadapa sa ilog at wala nang buhay na pinaniniwalaan namang nalunod.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis tungkol sa insidente upang malaman ang sanhi ng pagkalunod ng nabanggit na biktima.
Samantala, hindi naman ito ang unang pagkakataon na nakapagtala ng insidente ng pagkalunod sa kanilang lugar kaya muling nagpaalala ang opisyal sa lahat na maging maingat at responsable upang maiwasan na malagay sa alanganing sitwasyon.