Ibinulgar ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa kaniyang privilege speech nitong Miyerkules na ang katiwalian sa Bureau of Custom (BoC) sa illegal drugs ay patuloy na namamayagpag.
Dismayado si Lacson dahil matapos ang kontrobersyal na pagkakalusot ng metal cylinder na naglalaman ng illegal na droga ng panahon ni dating Commissioner Nicanor Faeldon at ang magnetic lifters sa panahon ni dating Commissioner Isidro Lapeña, habang ngayon sa pamumuno ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero naman ang may nakalusot na teabag at tapioca starch na kargamento na naglalaman din ng shabu.
Aniya, patunay lamang na nagpapatuloy pa rin ang sabwatan sa pagitan ng ilang nga opisyal Custom at mga sindikato ng droga kaya’t walang tigil ang illegal drug smuggling sa Pilipinas.
Iginiit ni Lacson sa halip na magpataasan sila ng koleksyon ng buwis, tila naging padamihan sila ng mga drogang pumapasok sa mga pantalan ng bansa dahil nagpapatuloy ang “tara system” sa ahensya .
Ipinunto pa ng senador ang mga malalaking shipment ng illegal na droga ang nasabat ng mga otoridad sa nakalipas na buwan tulad noong Agosto 7, 2018, na may 500 kilograms ng shabu na nagkakahalaga ng P4 billion na nadiskubre sa abandoned VECABA Shipment, na ang consignee ay Vedasto Cabral Baraquel Trading sa Manila International Container Port (MICP).
Nito lamang Pebrero, nakakumpiska naman ang PDEA ng 36 kilo ng shabu sa Dasmarinas, Cavite at 274 kilo sa Tanza, Cavite at iba pang mga illegal na droga na nagkakahalaga ng bilyon-biyong piso na nakumpiska na nalalusot sa BoC.
Duda rin si Lacson kung paano madaling nakalabas ng bansa ang isang Chinese national na sangkot sa sindikato ng droga at kidnapping sa bansa na si Zhijian Xu alias “Jacky Co,†tubong Fujian, China na nasa likod ng nakumpiskang 276 kilo ng shabu sa MICP na nakalagay sa tea packaging na nagkakahalaga ng P1.8 billion.
Ayon pa sa mambabatas, nakalabas ng bansa si Co nang walang kahirap hirap, ilang araw matapos ang pagkakakumpiska ng drogang sakay ng Philippine Airlines (PAL) patungong Vietnam na pagpapatunay na patuloy ang sabwatan ng ilang tiwaling opisyal ng gobyerno at sindikato ng droga.
Tinukoy pa nito sa kanyang privilege speech ang pag-recycle daw ng mga nakukumpiskang droga sa BoC.
“May I ask, how can the Bureau thoroughly and sincerely address the country’s drug problem if instead of punishing the corrupt or incompetent, or both, this administration is even rewarding these people with other positions in government? Sadly, what they cannot completely throw away, they tend to recycle. This time, at the expense of BOC’s credibility and to the detriment of the public,” wika ni Lacson.
Kinuwestiyon tuloy ng senador ang pagtalaga kay dating MICP Collector Vener Baquiran bilang deputy commissioner sa kabila na ibinulgar noon ni Lacson ang pagkakasangkot nito sa “tara syatem.”
Samantala, inabswelto naman ni Lacson si Commissioner Guerrero na wala raw direktang kinalaman sa patuloy na katiwalian sa Customs.
Maliban sa droga, dismayado rin ang mambabatas sa mga nakakalusot na tone-toneladang basura.