GENERAL SANTOS CITY – Tututukang maagi ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang takbo ng imbestigasyon sa pagpatay sa radio broadcaster na si Juan T. Jumalon na kilala rin bilang DJ Johnny Walker sa Calamba, Misamis Occidental noong nakaraang Nobyembre 5, 2023.
Sa panayam kay Jonathan de Santos ng NUJP na nakikiisa sila sa mariing pagkondena sa pagpaslang kay Jumalon.
Nais nilang matiyak ang agarang pagresolba ng kaso upang hindi umano ito matulad sa pagpaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid na hanggang ngayon ay hindi pa napaparusahan ang tunay na may sala.
Aniya, maaaring mangyari sa kahit kaninong taga media ang nangyari kay Jumalon subalit hindi itong dapat na ikatakot bagkus gawing pamamaraan para iparating sa administrasyong Marcos Jr. na dapat na matiyak ang kaligtasan ng mga taga media.
Ang pagpatay kay Jumalon ay ika-199 na mula noong 1986 at pang-apat sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Matatandaang binaril si Jumalon ng hindi pa nakikilalang mga suspek habang nagpoprograma.
Nakunan pa ang pamamaril sa livestream ng kanyang mismong programa.