Ang katotohanan at ang pagkakaroon ng reporma sa Philippine National Police (PNP) ang nagsilbi umanong motibasyon ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma sa pagsasabi nito ng kanyang nalalaman kaugnay ng extrajudicial killings (EJK) sa pagpapatupad ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagdinig ng House quad committee noong Biyernes, nagulat ang mga kongresista sa isiniwalat ni Garma na binibigyan ng reward ang mga pulis na nakakapatay ng drug suspect sa madugong war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Sinabi ni Garma na isinapubliko nito ang kanyang mga nalalaman sa kabila ng banta sa kanyang buhay upang makatulong sa pagbabalik ng tiwala ng publiko sa PNP.
“I realize the truth will always set us free, Mr. Chair, and at least I will be able to contribute if we really want to make this country a better place to live…for our children. I think we have to do something para maibalik ‘yung trust sa PNP, magkaroon ng reform sa PNP,” pahayag ni Garma ng tanungin siya ni Rep. Dan Fernandez.
Sa kanyang sinumpaang salaysay, idinetalye ni Garma ang papel ni dating Pangulong Duterte at Sen. Christopher “Bong” Go sa implementasyon ng anti-illegal drug operation.
Ayon kay Garma plinano ang pagbuo ng isang task force na katulad ng Davao Model kaugnay ng ipinagbabawal na gamot kasama rito ang pagbibigay ng reward sa mga pulis na nakakapatay ng mga drug suspect at pagbabalik ng ginastos sa operasyon.
Sinabi ni Fernandez na nagulat ito sa pagbaliktad ni Garma sa kanyang mga naunang sinabi s pagdinig.
Iginiit naman ni Garma na boluntaryo ang kanyang pagsasabi ng totoo at walang pumilit sa kaniya.
“Wala po, Mr. Chair, it took me one week to make some reflections,” pahayag ni Garma.
Tinanong din ni Fernandez si Garma kaugnay ng naunang sinabi nito na mayroong banta sa kanyang buhay.
“Kanina po may sinasabi kayo na natatakot kayo sa buhay niyo at sa pamilya niyo, saan po kayo natatakot?” tanong nito.
Inamin ni Garma na natatakot siya pero nanatili umano ang kanyang pagnanais na magsabi ng totoo.
“Of course, it’s normal, Mr. Chair, when you speak the truth, you cannot please everyone. But still, it took me one week to make reflections, and I realized I need to do my part,” tugon ni Garma.
Sunod na tinanong ni Fernandez si Garma kaugnay ng kanyang relasyon kay dating Pangulong Duterte kaya mayroon itong mixed emotions.
“Normal lang naman bilang tao, Mr. Chair, pero what prevailed after a week of reflection is I always say, the truth will always set me free. I want a better place. A better PNP, Mr. Chair,” sabi ng dating opisyal ng PCSO.
Sinuportahan naman ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ang naging desisyon ni Garma na magsabi ng totoo kasama na ang pagkakaroon ng reporma sa PNP.