ILOILO CITY – Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang kauganayan sa politika hinggil sa pagbaril sa bodyguard ni Laua-an, Antique Mayor Francisco Baladjay Jr.
Ang nasawing biktima ay kinilalang si Crispolo Jereza, 48-anyos ng Sitio Ramyan, Guisijan, Laua-an, Antique.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Lt. Col. Alexander Rosales, hepe ng Laua-an Municipal Police Station, sinabi nito na dumalo si Jereza sa bisperas ng pista sa Bagongbayan, Laua-an, Antique.
Sasakay na sana ang biktima sa kanyang motorsiklo nang binaril ng hindi pa nakikilalang suspek.
Maliban sa anggulong politika, isa rin sa mga tinitingnang anggulo sa pagpatay sa biktima ay ang paghihiganti.
Napag-alaman na nagtamo ng iba’t ibang sugat sa katawan ang biktima na siyang dahilan ng kanyang pagkamatay.