CENTRAL MINDANAO – Pormal nang uupo ngayong araw ang kauna-unahang lady PNP city director sa lungsod ng Cotabato.
Ito ay sa katauhan ni Colonel Portia Bañaga Manalad.
Maituuturing sa kasaysayan sa syudad ng Cotabato na si Col Manalad ay pinaka-unang female City director ng Cotabato City Police Office (CCPO) at pinaka-una sa Police Regional Office-12 at buong Mindanao region.
Si Manalad ay nag-iisang babaeng nagtapos sa Philippine National Police Academy noong taong 1995.
Nagtapos din ng Master in Public Management Major in Development and Security na isinagawa ng Development Academy of the Philippines sa taong 2016.
Dating nadestino si Manalad sa UN Mission sa United Nation Police (UNPOL) na tumutulong sa pagpapatupad ng kapayapaan sa Kosovo at East Timor.
Ngayon ang isa pang hamon sa kanyang misyon ang nakataya at ito ang maglingkod sa mga Cotabateneos.
Lalo na ang pagpapatupad ng kaayusan pati na ang pagkakaiba ng kultura sa Cotabato City.
Ang bagong babae na direktor ng lungsod ay nakaharap sa isang napakalaking gawain lalo na sa isang ina tulad niya na laging malayo sa kanyang pamilya sa Luzon sa paglilingkod sa mga tao.
Si Col. Manalad ay sentro ngayon ng mata ng iba pang mga opisyal na babae hindi lamang sa pamamagitan ng kanyang PNPA female underclass kundi pati na rin sa iba pang babaeng opisyal sa organisasyon ng PNP.
Umapela ang CCPO sa lahat ng mga Cotabateños upang magbigay ng kanilang buong suporta sa alkalde ng lungsod na si Atty Frances Cynthia Guiani Sayadi at bagong city police director.
Gagawin ang turn-over dakong alas-2:00 ng hapon sa CCPO headquarters sa PC Hill Cotabato City na dadaluhan ng mga lokal na opisyal sa pangunguna ni Mayor Cynthia Guiani Sayadi, mga opisyal ng militar at pulisya.
“Ang mga kababaihan ay maaaring maging mahina sa pisikal ngunit maaaring maging kasing lakas ng lahat ng ibang tao sa paglilingkod sa maraming iba pang mga paraan,” ani Manalad.
Matatandaan na deniklarang persona non grata ng City Council si outgoing city director Col. Michael Lebanan dahil sa pagtaas ng bilang ng iba’t ibang krimen sa lungsod.