Kinumpirma ngayon ng Department of Health (DOH) na nakapagtala na ang Pilipinas ng kauna-unahang dalawang kaso ng Omicron (B.1.1.529) variant.
Ayon sa DOH, na-detect ang naturang mga kaso batay na rin sa resulta mula sa nakuhang 48 sequenced samples kahapon mula sa University of the Philippines – Philippine Genome Center (UP-PGC) katuwang ang University of the Philippines – National Institutes of Health (UP-NIH).
Una nang pinangangambahan ang Omicron variant na unang na-detect sa South Africa dahil sa umano’y mas nakakahawa raw ito kumpara sa naunang Delta variant ng COVID-19.
Ayon sa DOH kabilang sa nagpositibo sa Omicron variant ay isang returning overseas Filipino (ROF) na nagmula sa Japan at dumating noong December 1, 2021 sakay ng Philippine Airlines flight number PR 0427.
Ang kanyang sample ay na-collect noong December 5, 2021.
Sa ngayon ito raw ay nasa isolation facility na at asymptomatic pero may symptoms ng colds at cough nang dumating sa bansa.
Ang isa pang kaso ay isang Nigerian national na nagmula naman sa Nigeria at dumating sa Pilipinas noong November 30, 2021 sakay ng Oman Air na may flight number WY 843.
Ang sample ay na-collect noong December 6, 2021.
Ito rin naman ay nasa isolation facility na at asymptomatic.
Sa ngayon tinutukoy na ng DOH ang mga posibleng naging close contacts ng mga ito at kasamang pasahero sa nabanggit na mga eroplano.
“The DOH is verifying the test results and health status of all passengers of these flights to determine if there are other confirmed cases or passengers who became symptomatic after arrival. Travelers who have arrived in the Philippines through these flights may call the DOH COVID-19 Hotlines at (02) 8942 6843 or 1555, or their respective LGUs to report their status,” bahagi pa DOH advisory.