BAGUIO CITY – Nakarating na sa Baguio City ang dalawang unit ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine freezers.
Ayon kay Mayor Benjamin Magalong, kaya ng mga freezers na mag-imbak ng mga bakunang nangangailangan ng temperatura na hanggang -70 degrees Celsius.
Binili aniya ito ng Baguio local government unit (LGU) mula sa China sa tulong ng grupo ng Chinese businessmen sa lungsod sa pangunguna nina Wilson Angheng at Kenneth So.
Ipinagmalaki ni Mayor Magalong na nang makarating ng Baguio ang mga freezers ay nagdesisyon ang dalawang negosyante na i-donate na lamang ang mga nasabing freezers sa lokal na pamahalaan ng City of Pines.
Una rito, sinabi ng alkalde na 380,000 doses ng COVID-19 vaccines ang kanilang binili mula sa AstraZeneca para sa vaccination program ng Baguio LGU.
Hinihintay na rin nila ang software mula sa national government para sa uniform vaccine registration system bago ang pagbakuna.
Umaasa din itong matatapos na sa susunod na linggo ang vaccine deployment action plan ng Baguio City bagamat nagsimula na ang pagpaparehistro sa mga health workers na priority sa vaccination program.