-- Advertisements --

Ipinoste ni 3-time NBA MPV Nikola Jokic ang kauna-unahang 30-20-20 game sa NBA matapos niyang pangunahan ang Denver Nuggets upang pabagsakin ang Phoenix Suns sa overtime game.

Sa panalo ng Nuggets, kumamada ang bigman ng 31 points, 21 rebounds, at season-high na 22 assists.

Napilitan ang Nuggets na harapin ang Suns sa OT matapos hindi mapigilan ang huli sa kanilang comeback mula sa 21-point deficit at hinabol ang all-125 score sa pagtatapos ng 4th quarter.

Pero pagpasok ng OT, hindi na napigilan ng Suns ang Nuggets matapos ang sunod-sunod nitong pagpasok ng shots at inirehistro ang 24-16 run sa loob ng 5 mins.

Sa walong player ng Nuggets na naglaro kontra Suns, pito sa kanila ang gumawa ng double-digit points.

Pinangunahan naman ni Devin Booker ang Suns, gamit ang 34 points, pitong assists, at anim na rebounds, habang 29 points at siyam na rebounds ang kontribusyon ni 2-time NBA Champion Kevin Durant.

Dahil sa panalo ng Nuggets, hawak na nito ang 41-22 win-loss record at pangatlo sa Western Conference. Sinusundan nito sa West ang Los Angeles Lakers at Oklahoma City Thunder.

Bumagsak naman sa 29-34 ang Suns at nasa huling limang team sa West.

Ang OT game ng Suns ay kasunod na rin ng isa pang OT game sa nauna nitong match laban sa Los Angeles Clippers.