Tila tinutupad na ng SpaceX ang kanilang pangako sa National Aeronautics and Space Administration (NASA) sa kabila ng halos 10 taong pagtitiis nito na walang sariling spacecraft na kayang magdala ng astronauts sa kalawakan.
Sa ibinahaging tweet ni Elon Musk, CEO at chief engineer ng SpaceX, ipinakita nito ang bagong simulation video na ginawa noong Lunes kung saan makikita rito kung ano ang eksaktong mangyayari sa kauna-unahang crewed flight ng Dragon capsule.
Normal na para sa mga aerospace companies tulad ng SpaceX ang ibahagi ang animated footage tulad nito upang mas lalo pang makapukaw ng pansin mula sa publiko bago simulan ang misyon.
Sasakay ang mga astronauts sa Crew Dragon sa pamamagitan ng isang aerial walkway matapos itong ikabit sa rocket at itaas sa launch pad.
Ilalagay ang naturang aircraft sa Falcon 9 rockets saka lilipad palabas ng kalawakan. Ilang araw magpapalibot-libot sa kalawakan ang aircraft bago ito kumabit sa isang docking port sa International Space Station.
Ang ISS ay isang malaking orbiting laboratory sa labas ng mundo at patuloy itong tumatanggap ng mga rotating crew ng astronauts simula noong 2000.
Nakatakdang ipadala ng SpaceX ang kanilang crew mula sa NASA’s Pad 39A sa Kennedy Space Center na matatagpuan sa siyudad ng Florida. Ito ang parehong pad na ginamit noong 1969 launch para sa Apollo 11 kung saan sakay nito ang mga kauna-unahang taong nakatapak sa buwan.
Ginagamit din ang Pad 39A sa hindi mabilang na space shuttle missions bago tuluyang magretiro ang naturang program noong 2011.
Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung kailan magiging handa ang Crew Dragon para sa kauna-unahan nitong crewed flight hanggang sa matapos ang final testing para rito.
Umaasa naman ang NASA na mangyayari ito sa unang yugto ng 2020.