-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Inilunsad na ang kauna-unahang automated greenhouse sa bansa na matatagpuan dito sa Baguio City sa pamamagitan ng seremonyal na pag-aani ng mga de-kalidad na mga kamatis.

Ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, proyekto ito ng Pilipinas at South Korea para sa mas modernong agrikultura.

Itinayo ang Smart Greenhouse Philippines Project sa tulong ng Korea International Cooperation Agency at Korea Agency of Education, Promotion and Information Service sa compound ng Bureau of Plant Industry sa Baguio City.

Ginamit dito ang P122.29-M grant ng South Korea sa pamamagitan ng mga nasabing ahensia at dalawa pang kumpanya.

Sinabi ni Piñol na layon ng proyekto na madagdagan ang kita ng mga magsasaka at mapaganda pa ang competitiveness ng mga small and mid-sized farmers sa pamamagitan ng paggamit ng greenhouse technology.

Dinagdag niya na nagbabago na ang anyo ng agrikultura dito sa bansa na nagiging smart agriculture.

Matatagpuan sa compound ang siyam na greenhouses na naglalaman ng tig-apat na channels na may kakayahang mag-produce ng 1,000 kilo ng kamatis bawat linggo habang ang isang channel ay naglalaman ng 840 na tanim na kamatis.