-- Advertisements --

LAOAG CITY – Magkahalong emosyon ang nararamdaman ngayon ng pamilya ng kauna-unahang cornea donor sa Region 1 matapos ang matagumpay ng pag-recover sa eye tissue ng donor at maibibigay ito sa 11-taong gulang.

Ayon kay Mrs. Clarissa Magno, asawa ng kauna-unahang cornea donor sa Rehiyon, noong nabubuhay pa ang kanyang asawa ay palagi nitong sinasabi na gusto niyang mag-donate ng mga organ tulad ng kidney.

Sinabi nito na biglaan ang pagkamatay ng kanyang asawa dahil sa Community Acquired Pneumonia at nasasabi rin ng donor sa pamangkin nila na nagtatrabaho rin sa ospital na gusto niyang mag-donate.

Pagkatapos umanong mamatay ang asawa nito ay ipinaalam ng kanilang pamangkin tungkol sa programang Cornea Retrieval kung saan pumayag naman kahit ang mga anak na i-donate ito dahil makakatulong sa nangangailangan.

Aniya, ang kanilang hakbang ay bilang pagtupad na rin sa hiling ng kanyang asawa na palaging nagsasabing gusto niyang i-donate ang kanyang kidney ngunit may problema ito at nalaman nila ang programa ng ospital.

Nabatid na dalawang mata ang nakuhanan ng cornea ng donor at may mensahe na rin mula sa Eye Bank na nasa maayos ang mga cornea nito.

Samantala, isang 11-taong gulang ang tatangggap ng mga cornea ng kanyang asawa at puwede umano silang magkita pagkatapos ng operasyon.

Una rito, naging matagumpay ang pag-recover sa eye tissue ng donor na pinangunaghan ng Department of Ophthalmology partikular kay Department Chair na si Dr. Sofia Cecilia Sipin, at Project Head ng Cornea Retrieval Unit na si Dr. Maria Fe Navarette at ang retrieval team at ito ipinadala sa Eye Bank Foundation of the Philippines at isinagawa ito sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa lungsod ng Batac.

Nagpasalamat rin ang pamunuan ng ospital sa pangunguna ni Medical Center Chief Dr. Maria Lourdes K. Otayza, sa pamilya ng donor dahil sa malaking desisyon na ginawa nila kahit nasa panahon sila ng pagdadalamhati at pagtupad sa hiling ng namayapang miyembro ng pamilya, at para magbigay liwanag sa makakatanggap nito.

Samantala, bilang pagpupugay at respeto sa kauna-unahang cornea donor sa Rehiyon, ang mga empleyado ng ospital sa pangunguna ni Dr. Modesty Leaño, Head ng Department of Pathology and Laboratories ay nagsagawa ng Walk of Honor.