-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Hindi na mahihirapan pang magpa-konsulta sa doktor ang mga residente ng Lungsod ng Kidapawan na nakararanas ng Covid-19 symptoms.

Ito ay matapos na pormal na inilungsad ngayong araw ang kauna-unahang Covid-19 Online Teleconsultation bilang natatanging paraan ng City Government of Kidapawan para matulungan ang mga indibidwal o pamilya na nakararanas ng mga sintomas ng naturang karamdaman.

Mismong si Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista ang nanguna sa pagbubukas ng online teleconsultation sa ginanap na City Local Inter-Agency Task Force for Covid-19 meeting.

Naka base sa City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU and Covid-19 Online Tele-Consultation kung saan may itinalagang online government physician at isang virtual assistant sa pakikipagtulungan ng Kidapawan City Covid-19 Nerve Center.

Magbubukas mula 8AM – 8PM ang online teleconsultation at maglalaan naman ng mula 15-30 minuto ang mga doctors sa bawat online patient.

Online din ang pagbibigay ng reseta sa mga pasyente at ito ay ipadadala sa kanila pamamagitan din ng messenger o email kung saan sapat para sa limang araw ang mga gamot na taglay ng reseta.

Sa pamamagitan nito ay maiiwasan na ang pagdagsa ng mga pasyenteng nais magpatingin sa doctor at makakaiwas din sa posibleng pagkalat pang lalo ng Covid-19.

Kaugnay nito, hinikayat ni Mayor Evangelista ang mga mamamayan ng lungsod sa huwag mag-atubili sa pagpapakonsulta sa harap na rin ng nagpapatuloy na banta ng Covid-19 at ng bagong variant na Omicron.

Nanawagan din siya sa lahat na ipagpatuloy ang minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face masks, disinfection, at social distancing ganundin ang pagpapaturok ng bakuna laban sa Covid-19 ng bawat eligible population dahil ito ang mga nangungunang paraan upang maiwasan ang sakit.

Maaaring makipag-ugnayan ang mga nais magpa-konsulta sa Kidapawan Covid-19 Online Teleconsultation sa pamamagitan ng hotline 0948-1985197 o sa email address na kidapawantelemed@gmail.com o sa Official Facebook Account Telemed Kidapawan.