Dumating na sa Ukraine ang pinaka-unang F-16 fighter jets na donasyon para magamit sa nagpapatuloy na giyera nito kontra Russia.
Sa kasalukuyan ay wala pang kumpirmasyon ang pamahalaan ng Ukraine ukol dito ngunit una nang ibinunyag ni Lithuanian Foreign Minister Gabrielius Landsbergis ang pagdating ng mga donasyon sa pamamagitan ng isang X (Twitter) post.
Ang Lithuanian Foreign Minister ay isa sa mga kilalang supporter ng Ukraine, kahit noong bago pa man ang ginawang paglusob ng Russia sa naturang bansa.
Ang unang shipment ng mga F-16 fighter jets sa Ukraine ay ang pinakauna sa kasaysayan ng Ukraine-Russia War.
Ilang bansa ang una nang nangako sa Ukraine na magbibigay ng mga naturang military aircraft kabilang na ang Denmark na nangako ng 19 F-16, 24 mula sa Netherlands, at anim mula sa Norway.
Kasabay ng pagdating ng mga fighter jets, maraming mga analyst ang naniniwalang magiging turning point ito sa Ukraine-Russia War, lalo na at nakadepende pa ang Ukraine sa mga lumang jet fighter na ginagamit pa noong Soviet era.
Ang mga Ukrainian fighter pilot na magsisilbing piloto ng mga nasabing military aircraft ay unang nagsanay sa ilalim ng mga Western partner nito, kabilang na ang USA.
Sa ilalim ng komprehensibong training, nagawa ng US na mapagtapos ang unang batch ng mga piloto mula sa 162nd Wing ng Air National Guard sa Tucson, Arizona
Ang mga F-16 ay may kapasidad na magdala at magpasabog ng mga 20mm cannon at kayang magbitbit ng mga bomba, rocket, at mga missile.
Batay naman sa naging caption ni Lithuanian Foreign Minister Gabrielius Landsbergis sa kanyang X account, tinawag niya ang pagdating ng mga donasyon bilang ‘impossible’ na naging ‘totally possible’.