Ipinahayag ng Philippine National Police na hanggang sa ngayon ay nananatili pa rin mapayapa at maayos ang ginagawang pagdiriwang ng mga kabababayan nating katoliko para sa Kapistahan ng Itim na Nazareno.
Ito ang kauna-unahang face to face na selebrasyon ng nasabing okasyon sa gitna pa rin ng kinakaharap na COVID-19 pandemic ng Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Manila Police District director PBGEN Andre Dizon ay sinabi niyang matagumpay na naipatupad ng pulisya ang lahat ng kanilang plano at inilatag na security measures para sa pagdaraos ng malaking okasyon na ito.
Bukod dito ay ibinida rin ni Dizon na sa kabila ng pagdagsa ng libo-libong mga deboto sa Quiapo Church at Quirino Grandstand para sa misa at pagbibigay pugay sa Itim na Nazareno ay walang naitalang untoward incident ang kapulisan na may kaugnayan dito.
Kaugnay nito ay iniulat naman ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na sapat ang pwersa ng kapulisan na kanilang ipinakalat sa iba’t-ibang bahagi ng lungsod ng Maynila.
Aniya, nasa kabuuang 5,559 na mga pulis ang idineploy sa mga lugar na pinagdarausan ng pista ng Itim na Nazareno kabilang na ang nasa 3,000 force multipliers na nagsisilbi namang first line of contigents na layong masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga kababayan nating deboto na nakiisa sa pagdiriwang ng aktibidad na ito.
Patuloy naman ang panawagan ni Azurin sa publiko na makipagcooperate sa pulisya para sa tuluy-tuloy na matiwasay na pagdaraos sa Pista ng Itim na Nazareno.
Samantala, hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga deboto sa mga lugar na pinagdarausan ng nasabing okasyon.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng Quiapo Command Center, umabot na sa 444,850 ang bilang ng mga mananampalatayang nagtungo sa Quiapo Church, habang pumapalo naman sa 122,690 ang kabuuang bilang ng mga debotong naitala sa Quirino Grandstand.