-- Advertisements --

Itinalaga ni Pope Francis ang kauna-unahang Pilipinong obispo sa Japan.

Ayon sa Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP), pamumunuan ni Father Edgar Gacutan ang Japanese diocese ng Sendai.

Ang Sendai ay isang malaking lungsod sa Tohoku region at isa sa 15 pinakamalaking lungsod sa Japan na mayroong mahigit isang milyong residente.

Gacutan
Father Edgar Gacutan

Ang nasabing pari ay unang nakatalaga sa nasabing lugar at nagtrabaho para sa mga biktima ng lindol sa Tohoku noong 2011 at tsunami mula 2014 hanggang 2017.

Bago ang kaniyang appointment ng 57-anyos na Pinoy, nagsilbi rin siya sa Matsubara Catholic Church sa Setagaya Ward sa Tokyo.

Mula sa Enrile, Cagayan si Gacutan kung saan nag-aral ito ng Philosophy sa St. Louis University sa lungsod ng Baguo mula 1981 hanggang 1985 at Theology sa Maryhill School of Theology sa Manila mula 1986 hanggang 1989.

Noong Pebrero 1990 ay nailipat si Gacutan sa Japan habang siya ay isang seminarista pa lamang kung saan nagtapos siya ng tatlong taon na internship bago bumalik sa bansa para tapusin ang theological studies nito.

Taong 1994 ng ma-ordinahan siyang pari sa Congregation of the Immaculate Heart of Mary.

Matapos ang ilang buwan ay pinabalik siya sa Japan kung saan nagsilbi itong assistant pastor sa Kongo church sa Osaka mula 1994 hanggang 1997 at sumali sa team ministry sa Osaka sa loob ng anim na taon hanggang 2003.

Taong 2004 ng italaga siyang superior ng Japanese CICM Province hanggang 2012.