-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Ginagawa na ng lokal na pamahalaan ng Baguio ang lahat ng hakbang para hindi na kumalat pa ang B.1.1.7 o UK variant ng COVID-19 sa lungsod.

Ito ay matapos maitala ng Baguio ang kauna-unahang identified case nito sa UK variant ng COVID-19.

Ayon kay Mayor Benjamin Magalong, ang nasabing kaso ay isang 30-anyos na babae na nagpositibo sa COVID-19 noon pang February 12 at naitalang recovered noong February 23.

Aniya, ipinadala ang specimen ng nasabing indibidual sa Philippine Genome Center para sa sequencing at natanggap nila noong Linggo ang resulta na positibo ito sa UK variant ng COVID-19.

Gayunman, sinabi niya na noon pang huling linggo ng January ay naka-work-from-home ang nasabing babae.

Dahil dito, tinututukan ng contact tracing team ng lungsod ang mga kasama nito sa loob ng kanilang bahay.

Dinagdag pa ng alkalde na tinitignan at pinag-aaralan na nila ang data base para makita kung may koneksiyon ang nasabing kaso sa mga nauna ng mga kaso ng UK variant ng COVID-19 sa La Trinidad, Benguet at Bontoc, Mountain Province.