LEGAZPI CITY – Kumpiyansa ang Andam Lahar Project na malaki ang maitutulong ng pagsasagawa ng kauna-unahang lahar drill sa Albay upang maabot ang zero-casualty goal lalo na sa mga panahon na bumababa ang ilang deposit ng Bulkang Mayon.
Inumpisahan na ang proyekto nitong Hulyo 24 sa Barangay Salvacion sa Daraga, Hunyo 25 sa Barangay Ilawod sa Camalig, at bukas isasagawa sa Barangay Lidong sa Sto. Domingo, mga lugar na malapit sa paanan ng bulkan.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay France Jimenez, project manager, pangunahin aniya nilang layunin ay mailigtas sa panganib ang komunidad at mabawasan ang mapipinsalang kabuhayan ng mga ito.
Overwhelming naman aniya ang response kaagapay ang mga implementing local disaster management councils, non-government organizations at iba pang importanteng kabahagi ng aktibidad, para sa kahandaan ng lalawigan.
Dalawang scenario ang sinundan ng mga kalahok partikular na sa pagdausdos ng lahar sa panahon ng bagyo, at sa buhos ng malakas na ulan dahil sa pinaigting na habagat.
Tinutukan ng team ang information dissemination sa pagpapaunawa ng warning level sa mga residente kahit sa persons with disability hanggang sa evacuation at relief assistance.
Hinimok naman ni Jimenez ang mga kasapi ng komunidad na ipatupad ang mga natutunang procedures upang maging epektibo at proactive ang approach sa mga ganitong sitwasyon.