KALIBO, Aklan—Handa na ang mga kalahok sa dalawang araw na PADUE-OS o 1st Local Skimboarding Showdown sa bayan ng Kalibo, Aklan bilang bahagi ng mga aktibidad sa weeklong celebration ng Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Festival 2024.
Ayon sa event organizer na si John Bonfel E. Oquendo, ang nasabing laro ay nagsimula kahapon araw ng Martes, Enero 16 na ginaganap sa Pook Jetty Port, Kalibo kung saan, may kaakibat na cash prize ang mga mananalo.
Paliwanag ni Oquendo na magkaiba ang surfing sa skimboarding dahil pwede itong gawin kahit hindi maalon at hindi rin kailangan na magaling lumangoy kung gusto matuto nito dahil hindi naman kailangan na mataas ang tubig.
Ibinahagi rin nito na maliban sa may magandang epekto sa pangangatawan ang nasabing sports, may positibo rin aniya itong epekto sa mental health.
Nabatid na iba’t ibang aktibidad ang nakahanay sa weeklong celebration ng itinuturing na Mother of All Philippine Festivals.