CENTRAL MINDANAO – Dinaluhan ng libu-libong mamamayan ang panunumpa sa puwesto ng kauna-unahang Manobo na gobernadora sa probinsya ng Cotabato.
Nanumpa si Cotabato Governor Nancy Alaan Catamco kay Executive Judge Arvin Sadiri Balagot na sinaksihan naman nina dating Department of Agriculture Secretary Emmanuel “Manny” Piñol at mister ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte na si Mans Carpio.
Naging makulay ang programa dahil nagkaroon muna ng ritwal ang mga katutubo bago nanumpa si Gov. Catamco.
Nagwagi si Catamco noong nakaraang eleksyon na may botong 272,249 laban kay Carmen Mayor Manong Roger Taliño na nakakuha naman ng 268,718.
Maituturing na makasaysayan ang pagkahalal ni Catamco sa mga katutubo sa probinsya ng Cotabato.
Tinaguriang Diwata ng Mount Apo si Catamco na isang Manobo at kauna-unahang lumad governor na naihalal sa North Cotabato.
Aniya, prayoridad ni Catamco sa kanyang pag-upo ang kapakanan ng mga mahihirap na pamilya sa probinsya at mga proyektong pakikinabangan ng taongbayan lalo na ang pagsasaayos ng Central Mindanao Airport sa bayan ng M’lang.
Inihayag naman ni Secretary Piñol na tuloy-tuloy ang pagtulong ng kagawaran ng pagsasaka sa lalawigan ng Cotabato.
Nanumpa naman sa kauupong gobernadora ang tatlong kaalyado nitong mga board members ng probinsya na sina DOC Krista Piñol, BM DOC Phil Malaluan at BM Onofre Respicio.
Kasabay nito nanawagan si Catamco sa lahat na magkaisa, magtulungan, kalimutan ang away sa politika at isa-isip ang serbisyo sa publiko.