LEGAZPI CITY – Umani ng positibong reaksyon mula sa mga barangay officials ng Daraga at Legazpi City ang proyektong pagpapailaw sa Bulkang Mayon.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mayor Noel Rosal, mismong ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) ang nagpresenta ng plano para sa proyekto sa isinagawang pulong nitong Huwebes.
Ito aniya ang unang pagkakataon na mangyayari ang lighting project sa bulkan na susuportahan ng pondo mula sa Department of Tourism (DOT).
Nabatid na sa loob ng isang gabi, bubuksan ang mga ilaw sa bulkan ng tatlong beses lamang at magtatagal ng 15 minuto sa bawat interval.
Handa na rin umano na mai-install ang mga ilaw na gagamitin kahit sa susunod na taon.
Tiniyak rin aniya ng TIEZA na walang maapektuhang mga pananim sa bulkan dahil walang imprastraktura na ilalagay habang removable rin ang mga pailaw.
Giit pa nitong hindi naman papailawan ang Mayon sakaling may mga pagsabog o habang may nakabanderang alert level status.
Samantala, panawagan naman ni Rosal na pakinggan muna ang mga impormasyon patungkol sa proyekto bago ulanin ng mga pagpuna at negatibong komento.
Inaasahan kasi na malaki ang ambag ng proyekto sa pagsulong ng turismo at ekonomiya, hindi lang sa Legazpi City kundi sa buong Albay.