-- Advertisements --

Inilunsad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang kauna-unahang medicine drone delivery sa Southeast Asia.

Sa isang statement, sinabi ng DICT na ito ay alinusunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang Pilipino lalo na ang mga naninirahan sa malalayong lugar ang mapagi-iwanan.

Isinagawa ang kick-off para sa naturang drone sa Barangay Niogan, Pililla sa lalawigan ng Rizal.

Ayon kay DICT Secretary Ivan John Uy, bilang parte ng SMART Villages at SMART Islands program ng DICT sa rehiyon, matutugunan ng paggamit ng drone medicine delivery ang geographic barriers, limitadong transportasyon at mga isyu sa logistics.

Matutugunan din aniya sa pamamagitan ng paggamit ng naturang teknolohiya ang life-threatening delays o mga pagkaantala sa pag-access sa mga medication at medical service na kinakaharap ng mga Pilipinong naninirahan sa geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs).

Makakatulong din ang pilot implementation nito sa paghubog at pagpapalawig pa ng digital healthcare services sa buong bansa.