Inilunsad ang kauna-unahang guided missile corvette ng Pilipinas na ginawa mismo sa South Korea.
Pinangunahan ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. kasama ang mga opisyal ng militar ang paglulunsad ng barko na pinangalanang BRP Miguel Malvar (FF-O6) sa shipyard ng South Korean shipbuilder na Hyundai Heavy Industries sa city ng Ulsan.
Ang naturang barko ang una sa 2 guided missile corvettes na binili ng PH sa pamamagitan ng Corvette Acquisition Program ng Philippine Navy.
Ayon kay DND spokesperson Arsenio Andolong, ipinangalan ang guided missile corvette sa rebolusyonaryong heneral at bayani ng Pilipinas na si Gen. Miguel Malvar.
Samantala sa naging talumpati ni Sec. Teodoro, inihayag nito ang kaniyang pagnanais na matularan ang value o katangian ng South Korea na “Indomitable Spirit” na ibig sabihin ay naninindigan sa kung ano ang tama at nagpapakita ng hindi natitinag na katatagan na mahalaga aniya sa progreso at pag-unlad ng SoKor.
Naniniwala din ang DND chief na maaari rin itong magbigay ng inspirasyon sa Pilipinas upang maabot ang buong potensyal nito.
Pinasalamatan din ng kalihim ang Republic of Korea sa hindi natitinag na suporta sa posisyon ng PH sa West Philippine Sea partikular na sa pagtutol sa unilateral aggression at ilegal na aksiyon ng People’s Republic of China.