-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN -Hinikayat ang publiko na tangkilin at bisitahin ang kauna-unahang museo sa lalawigan ng Pangasinan kasunod ng pagbubukas nito sa publiko ngayong araw.

Ayon kay Governor Ramon Mon Mon Guico III, isa itong katuparan sa kaniyang adhikain na makapagpatayo ng museo. Aniya, ang kauna-unahang proyektong museo na inilunsad na pinangalanang “Banaan” ay isang katuparan, dahil paglalahad nito, noong siya’y isang local chief executive pa lamang ay plano na niyang magpatayo ng nasabing proyekto sa kaniyang bayan ngunit hindi ito natupad dahil natapos na ang kaniyang termino.

Kung kaya’t, labis ang galak ng gobernador dahil naisakatuparan na ang naturang proyekto sa lalawigan na kung saan ay ito pa umano ay nakapagtala bilang makasaysayang pagkakataon para sa mga Pangasinense dahil naipakikita nito ang kasaysayan, kultura, at mga sining.

Ang museo ay binubuo ng labing-isang gallery na naglalaman ng iba’t-ibang mga artifact, likhang-sining, at mga interactive feature mula sa iba’t-ibang yugto ng kasaysayan ng lalawigan.

Kabilang sa mga tampok nito ang mga bahagi ng kasaysayan tulad ng panahon ni Princess Urduja, kalakalan sa mga Tsino, pananakop ng mga Amerikano, Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at mga pambansang artistang mula sa Pangasinan.

Pinapakita rin nito ang yaman ng kultura ng lalawigan at mga obra ng mga lokal na artist.

Isa rin sa mga inendorso ni Gov. Guico ay ang pagdeklara ng buwan ng Setyembre bilang “Philippine Creative Industries Month.”

Kaugnay nito, nagbigay pugay rin siya kay Congressman Toff de Venecia, ang principal author ng Republic Act 11961 (Cultural Mapping Law) at Republic Act 11904 (Philippine Creative Industries Development Act).

Matatandaan na isinagawa ang Soft-opening ng kauna-unahang Museo sa probinsya kamakailan na matatagpuan sa Casa Real.

Ang pagbisita sa museo ay libre, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Turismo at Buwan ng Industriya ng Sining sa Pilipinas.